by Diana Cabote
Hindi binibili ang pag-ibig –
Na parang pagkain
Pampalipas gutom at libog.
Katulad ng pagbabayad sa dyip
Hindi man lang makuhang magpasalamat
Sa driver, kapag trip mo nang bumaba
Sa destinasyon ng iyong buhay
O tulad ng alak at sigarilyo
Pantakas sa katotohanan.
O tulad ng damit, huhubarin
Pagkatapos ng maghapong gamitan
Ipamimigay kung sawa na
Sa yaring relasyon.
Totoo, hindi kayang bayaran
Ang mga tapik sa balikat
Mga labing may lambing
Mga pagniniig, kahit hiram lamang
Mga tawanan, hingahan ng buhay.
Ang lahat nang hinihingi at ibinibigay
Walang hinihintay na sukli –
Dahil libre ang pagmamahal
Kusang-loob, walang sapat o kulang.
Pero may paninindigan
Dahil katulad ng prinsipyo
Ang pag-ibig rin ay ipinaglalaban.